Bilang pagtugon sa tawag ng pamahalaan sa responsableng pagmimina, inihayag kahapon ng mga miyembro ng Philippine Nickel Industry Association (PNIA) sa dayalogo ng “Fourth Mining Policy Forum” ang kanilang pangako na palaganapin ang malawakang bamboo reforestation program sa mga komunidad kung saan sila nagmimina.
Ito ay ipinahayag sa programa sa harap ng mga opisyal at kawani ng Department of Trade and Industry (DTI) at Department of Environment and Natural Resources (DENR).
Kamakailan lamang ay ini-report din ng grupo ang mahigit apat na milyong mga puno na kanilang naitanim na sa rehiyon ng CARAGA at Palawan kung saan sila ay may mga operasyon.
Ang bamboo reforestation program ay pagpapalawig sa layunin ng mga kompanya ng nickel na mapaigting ang pagsagip sa kalikasan kasabay ng pagbibigay ng pagkakakitaan sa mga “host communities.”
“Napili namin ang bamboo dahil sa bukod sa mabilis itong tumubo, napakalaki ng potensyal na mapagkakitaan ito ng mga “host communities” at nais naming makatulong sa kabuhayan ng aming lokal na komunidad,” pahayag ni Isidro Alcantara, chairman ng PNIA.
Ayon sa pagtantiya ng Philippine Bamboo Foundation Inc. (PBFI), ang furniture industry na gumagamit ng kawayan bilang materyales ay may taunang pagtaas ng 15% at may taunang kita ng halos USD 3.2 milyon, dagdag pa ni Alcantara, batay sa mga pag-aaral na ginawa ng China ukol sa bamboo industry, maaaring umabot sa halos P1.8 bilyon ang maaaring kitain ng mga komunidad na magtatanim nito o kung matatamnan ang kahit sa 30% ng mga lupang pinagmiminahan ng miyembro ng PNIA.
Higit sa lahat, batid din ng PNIA na napakaimportante ring tulong ng pagtatanim ng kawayan sa pagpigil ng epekto ng “climate change” dahil sa kakayanan nitong magbuga ng oxygen ng mas higit na 35% kaysa sa ibang puno.
Sa ngayon ay may 22,000 seedlings na kaming naitanim” pagdidiin pa ni Alcantara.