4-M puno itinanim sa CARAGA, Palawan


July 23, 2018
Source: Abante TNT

Bilang pagkilala sa responsableng pagmimina, pitong miyembro ng Philippine Nickel Industry Association (PNIA) ang nanguna sa pagtanim ng halos mahigit na apat na milyong puno sa kanilang mga komunidad sa CARAGA region at sa lalawigan ng Palawan.

Nais ipakita ng grupo na bukod sa pagsunod ay kaya pa nilang higitan ang panawagan ng pamahalaan sa rehabilitasyon at pangangalaga ng kalikasan sa mga lugar na kanilang pinagmiminahan.

“Mas malawak na ang aming natamnan ng puno kaysa sa lawak ng land area ng aming mga pinagmiminahan. Mas malawak na ang aming ‘green footprint’ kaysa sa aming ‘mining footprint’,” pagdidiin ni Ms.Cha Olea-Capili, Executive Director ng PNIA.

Binanggit rin niya na ang “forest density” na nataniman na ng PNIA ay umabot na sa 2,100 na puno kada ektarya na mas mataas pa sa National Greening Program ng bansa. Umabot na rin sa halos 2,000 ektarya na ang natanimang lupa ng PNIA.

Ang pinaigting na “reforestation program” ay nagpapakita ng matibay na pagtugon at kontribusyon ng mga miyembro ng PNIA sa proyekto ng pamahalaan na tinawag na “National Greening Program” na nagnanais tamnan ang halos 1.2 milyong ektarya ng mga nakakalbo at hindi produktibong mga kagubatan.

Ilan sa mga naitanim na puno at halaman sa programang rehabilitasyong ito ay ang Agoho, mahogany, bamboo, tiger kamagong, tiga, ipil, narra, ironwood, mga nagpuprutas na halaman tulad ng calamansi, rambutan, kasoy, langka at cacao, rubber tree, kape, mga gulay at mga pananim na herbal na pinalalaki sa mga nursery ng bawat organisasyon.

Sumusuporta din ang grupo sa pangangalaga sa kalikasan ay ang wildlife conservation, marine protection, rubber plantations, tilapia production at iba pa.